LEGAZPI CITY – Kinondena ng grupo ng mga mangingisda ang panibagong insidente ng panghaharass na naman ng China sa mga Pilipino sa West Philippine Sea.
Kasunod ito ng ginawang panghaharang ng China Coast Guard sa mga rescuers na tumulong sa mga mangingisdang Pilipino na nasabogan ng makina ng bangka sa Bajo de Masinloc.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Fernando Hicap ang Presidente ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, tinawag nito na “krimen” ang ginawa ng China dahil inilagay nito sa panganib ang buhay ng dalawang mangingisdang nagtamo ng second degree burn sa insidente.
Kinondena ni Hicap ang kawalan ng konsiderasyon ng China sa buhay ng mga Pilipino at ang patuloy nitong panghihimasok sa teritoryo ng bansa.
Dahil sa panibagong insidente, aminado ang grupo na maraming mga mangingisda ang mas pinipili na lamang na umiwas na mangisda sa West Philippine Sea sa pangambang maging biktima rin ng panghaharass ng China.
Panawagan ng grupo sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gumawa ng hakbang upang matiyak ang seguridad ng mga Pilipino na pangingisda sa West Philippine Sea ang kabuhayan.