LEGAZPI CITY- Maraming mga lokal na mangingisda ang makikiisa sa dalawang araw na fishing expedition na ikakasa ng grupo ng mga mangingisda mamayang hapon sa West Philippine Sea.
Ayon kay Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas president Pando Hicap sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi layunin ng hakbang na maipakita sa China ang kanilang pagkontra sa mga iregularidad na ginagawa nito sa teritoryo ng bansa.
Iginiit ng grupo na walang basehan ang mga polisita na ipinapatupad ng China lalo pa at wala umano itong karapatan sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Hicap na magtutungo sila sa 20 hanggang 30 nautical miles ng Bajo de Masinloc at magdamag na mangingisda sa lugar bago bumalik para sa ilang aktibidad.
Samantala, siniguro naman nito ang ibayong pag-iingat lalo pa at hindi aniya inaalis ang posibilidad na may presensya na naman ng mga barko ng China sa naturang teritoryo.