LEGAZPI CITY – Ipinapanawagan ng grupo ng mga manggagawa na ipasa na ang isinusulong ngayon sa Kongreso na legislative wage increase na P750 na dagdag sahod sa mga empleyadong Pilipino.
Kasunod ito ng isinagawang pag-aaral ng IBON foundation kung saan lumabas na nangangailangan ang bawat pamilyang Pilipino ng P1,200 kada araw upang magkaroon ng maayos na kalidad ng pamumuhay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jerome Adonis ang Secretary General kan Kilusang Mayo Uno, napapanahon na upang magkaroon ng pagtaas sa sahod ng mga manggagawa sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.
Subalit hindi lamang sahod ang panawagan ng grupo kundi maging ang pantay na pasweldo sa buong Pilipinas.
Ayon kay Adonis, lahat naman ng bahagi ng bansa ay apektado ng inflation kung kaya dapat na pare-parehong tumaas ang sahod ng mga Pilipino.
Panawagan ng Kilusang Mayo Uno sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tutokan ang sektor ng mga manggagawa na nangangailangan ng tulong sa harap ng matinding epekto ng inflation.