
LEGAZPI CITY – Sinuportahan ng grupo ng mga magsasaka ang protesta ng kanilang mga kapwa magsasaka sa San Jose, Occidental Mindoro upang iprotesta ang matinding pagbaba ng farm gate prices ng mga sibuyas .
Ibinahagi ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Chairperson Danilo Ramos sa isang panayam sa Bombo Radyo Legazpi na batay sa kanilang konsultasyon sa mga onion farmers, nabaon ang mga ito sa utang dahil sa mataas na gastos sa produksyon at capital expenses habang binibili ang kanilang mga inaning sibuyas sa mababang presyo.
Aniya, umaabot na sa punto na nagsasagawa na ang mga magsasaka ng ganitong mga protesta dahil sa pagbaba ng farm gate price ng mga sibuyas na dulot ng kartel at pagkabigo ng gobyerno na bilhin ang kanilang mga produkto na nagreresulta sa pagbili ng mga trader sa mababang halaga.
Ayon sa opisyal, ang isa pang salik na nagpapahirap sa mga magsasaka ng sibuyas ay ang malawakang liberalisasyon ng pag-angkat na ipinatupad ng mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon sa kabila ng maraming sakahan ng sibuyas sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nagbabala rin si Ramos na kung hindi ito tutugunan ng gobyerno, lalala ang pagbaba ng farm gate prices ng mga sibuyas pati na rin ang iba pang agricultural products na maaaring makaapekto sa ekonomiya ng Pilipinas.










