LEGAZPI CITY – Duda ang grupo ng mga magsasaka kung matutugonan ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ang problema ng smuggling sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Raul Montemayor ang National Manager ng Federation of Free Farmers, marami namang magagandang batas sa Pilipinas subalit hindi lamang ito maayos na naipapatupad.
Kahit pa mayroon ng batas na magbibigay ng mas mabigat na parusa, masasayang lamang ito kung hindi naman epektibong mababantayan at mahuhuli ang mga smugglers.
Dahil dito, suhestiyon ng grupo na mas tutokan ng gobyerno ang mga operasyon at raid laban sa smuggling at hoarding ng mga produkto.
Maari rin umano na sa ibang bansa pa lamang ay magllagay na na taga-check ng mga produktong ibinabiyahe papunta sa Pilipinas upang mapadali ang pag-alam kung may nangyayaring smuggling.
Panahon na rin para tutokan ang problema ng iligal na pagpasok ng mga produkto sa bansa na nagdadala ng pagkalugi sa magsasaka at lokal na industriya.