LEGAZPI CITY- Hindi pa nawawalan ng pag-asa ang grupo ng mga guro na magbabago pa ang naging desisyon ng Commissions on Elections patungkol sa matatanggap na honorarium.

Ito’y matapos na ianunsyo ng ahensya na hindi dadagdagan pa ang honorarium na matatanggap ng mga guro na magsisilbing electoral board members sa Sangguniang Kabataan at Barangay Elections sa Oktubre 2023.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Benjo Basas, Teacher Dignity Coalition Chairman, malayo pa ang eleksyon kung kaya’t mayroon pang pag-asa o posibilidad na magbago ang desisyon ng COMELEC.

Dahil dito, magpapatuloy umano ang grupo na manawagan upang taasan ang honorarium lalo pa’t mas komplikado umano ang sistema sa Barangay at SK elections.

Ani Basas, mas mahirap ang magiging botohan ngayong taon dahil mas kailangan ng pisikal na atensyon at lakas ang manual na proseso, transition at manual na pagbibilang ng mga boto.

Maliban rito, mas mataas din umano ang posibilidad ng electoral violence sa botohan sa barangay level.
Paalala naman ni Basas, malaki ang tyansangmakaapekto ang naging desisyon ng COMELEC sa interes ng mga guro na tumulong sa eleksyon.

Samantala, ikinalungkot ng grupo ang pagkaka-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa panukalang batas na naglalayong i-exempt sa tax ang nasabing honorarium, lalo pa’t halos 20% umano ang kinakaltas dito o katumbas ng halos P2,000.