LEGAZPI CITY -Tutol ang grupo ng mga guro sa isinusulong ngayon sa Senado na ipagbawal na ang paggamit ng gadgets ng mga estudyante sa loob ng paaralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Vladimer Quetua ang Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers, taliwas sa paniniwala ng ilang mga senador, nakatutulong pa ang gadgets sa pag-aaral ng mga kabataan lalo na ngayong maaari ng maipasa at mabasa ang mga leksyon sa cellphone.
Malaki rin umano ang naitutulong nito para sa mas mabilis na pagrereview ng mga mag-aaral at pagresearch ng mga leksyon.
Binigyang diin rin ni Quetua na mayroon naman na memorandum ang Department of Education na nagbabawal sa paggamit ng cellphone sa klasrum kung kaya hindi na kailangan pa na bumuo ng batas para dito.
Imbes na ipagbawal, mas dapat pa umanong suportahan ng gobyerno ang pagkakaroon ng access sa internet at mga gadgets na nakatutulong para sa mas mabilis na pagkuha ng impormasyon at pagpapalakas ng sistema ng edukasyon sa bansa.