
LEGAZPI CITY – Suportado ng grupo ng mga guro si Senator Bam Aquino bilang chairman ng Basic Education Committee sa Senado.
Ngunit ayon kay Alliance of Concerned Teachers Chairperson Vladimir Quetua sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na katawa-tawa na napunta kay Sen. Camille Villar ang Environment at Public Works naman sa kapatid nitong si Sen. Mark Villar na kilala ang pamilya bilang may ari ng naglalakihang subdivision at primewater.
Nais nilang iharap kay Senador Aquino ang mga isyu sa basic education partikular ang usapin sa K-to-12, kakulangan sa budget, at iba pa para makatulong ito sa pagpapabuti ng sitwasyon ng mga guro sa buong bansa.
Nakatakda rin silang humiling ng dayalogo sa nasabing senador para ibahagi ang kanilang mga hinihingi upang ito ay maisama sa 2026 annual budget.
Kumpiyansa rin siya na mapapatakbo ni Senator Bam nang patas at maayos ang Basic Education committee hindi tulad ng ibang mga senador na mas gustong umanong itulak ang mandatory ROTC.
Sa kabila nito, iginiit niya na hindi sila aasa ng buo sa naturang senador dahil gagawa pa sila ng hakbang para marinig ang kanilang mga hinaing.
Umapela din si Quetua sa mga guro na suportahan ang kanilang kahilingan para sa karagdagang budget sa sektor ng edukasyon gayundin sa mga guro upang ito ay maipatupad bago ang mismong world teachers month.