LEGAZPI CITY- Nanindigan ang grupo ng mga guro na dapat na ipatigil na ang Catch-Up Fridays, kasunod ng pahayag ng Department of Education na magpapatuloy ang programa.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers Chairperson Vladimir Quetua sa panayam ng Bomb Radyo Legazpi na dagdag na pahirap lamang sa mga guro ang naturang programa dahil kailangang itigil ang regular na trabaho upang makagawa ng accomplishment reports at research.
Nakakadagdag rin aniya sa gastos sa mga guro ang naturang programa.
Ipinunto pa ng opisyal na maraming mag-aaral ang mas pinipiling lumiban sa klase tuwing Biyernes dahil batid na magbabasa lang naman.
Hinamon pa ni Quetua ang Department of Education na magtungo sa mga paaralan upang makita ang tunay na sitwasyon ng mga estudyante na walang magamit na learning materials.
Iginiit pa ng opisyal na walang nakikitang makabuluhang pagbabago sa mga mag-aaral sa larangan ng pagbasa simula ng ipatupad ang Catch-Up Fridays.
Aniya, hindi nagkaroon ng konsultasyon kaya hindi rin nasusukat kung sinong mga mag-aaral ang hirap sa pagbasa.