LEGAZPI CITY – Hindi maiwasan ng grupo ng mga guro na maikumpara ang mas magandang liderato ni incoming Education Secretary Sonny Angara kesa kay Bise Presidente Sara Duterte.
Ngayong Linggo ng makipag-usap si Angara sa mga grupo ng guro at iba pang grupo sa sektor ng edukasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ruby Anna Bernardo ang presidente ng Alliance of Concerned Teachers-National Capital Region, pinuri nito ang magandang pakikisama at pakikinig ni Angara sa mga hinaing ng mga guro.
Malayo umano ito kay dating Education Secretary at Bise Presidente Duterte na imbes na makipag-usap ay nire-redtag pa ang kanilang grupo.
Kasama sa mga napag-usapan sa naging meeting ng grupo kay Angara, ay ang problema sa mababang pasahod, kakulangan sa budget para sa mga gamit sa paaralan at ang administrative work ng mga guro.
Napag-usapan rin ang posibleng pag-amiyenda o pagbasura na sa Kto12 program at ang pagreview sa mga programang ipinatupad ni Duterte kagaya ng Matatag Curriculum, national learning camp at ang catch up Fridays na hindi naman umano nakatulong sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Umaasa ang mga guro na sa tulong ng bagong education secretary ay mas magiging maayos na ang sektor ng edukasyon at mapapataas pa ang kalidad ng pagtuturo sa Pilipinas.