The group of teachers called on the government to take immediate action on the ongoing impact on the Philippines caused by the ongoing tensions in the Middle East that could exacerbate the country's education crisis.

LEGAZPI CITY – Nanawagan ang grupo ng mga guro sa gobyerno na gumawa ng agarang aksyon sa patuloy na epekto sa Pilipinas dulot ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan na maaaring magpalala sa krisis sa edukasyon ng bansa.

Ayon kay Act Teachers Philippines Chairperson Ruby Ana Bernardo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang oil price hike at ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay sunod-sunod na nangyayari ngunit ang buwanang suweldo ng mga guro ay hindi man lang tumataas.

Nangangamba rin siya na maaaring mapilitang huminto sa pag-aaral ang ilang mga estudyante dahil sa pagtaas ng halaga ng bilihin na magpapahirap para sa mga ordinaryong pamilya na papasukin ang kanilang mga anak.

Aniya, ayon sa panawagan ng mga manggagawa, dapat nang alisin ang excise tax sa mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino tulad ng gasolina at pagkain habang tinawag din niyang “insensitive” ang panukalang apat na araw na trabaho sa kawani ng gobyerno lalo na para sa mga no work no pay.

Sinabi rin ng opisyal na siyam sa sampung guro sa pampublikong paaralan ngayon ang hindi kumikita ng nakabubuhay na sahod, na maaaring magpalala sa kanilang sitwasyon ngayon dahil sa banta ng pagtaas ng presyo.

Binigyang-diin din ni Bernardo na ang pagpapatupad ng work from home setup ay hindi epektibo lalo na’t mayroon silang hinahabol na deadline at hindi ito dapat maging opsyon sa lumalalang krisis sa edukasyon sa bansa.