LEGAZPI CITY- Welcome development para sa grupo ng mga guro ang pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbabalik sa lumang school calendar sa basic education.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers Chairman Vladimer Quetua sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ayaw na nilang muling maranasan ng mga mag-aaral at guro ang mga suliranin sa kasalukuyang school year.
Bukas rin ang naturang grupo sa panukalang pagkakaroon ng Saturday classes upang makumpleto ang 180 required numer of school days.
Sa kabila nito ay plano pa ring ipanawagan ng grupo ang pagkakaroon ng dayalogo sa Commission on Higher Education upang maisama ang tertiary level sa mga ibabalik sa lumang school calendar.
Paliwanag ni Quetua na kabilang rin ang mga nasa tertiary education sa apektado ng matinding init ng panahon.
Dagdag pa nito na hindi dapat ibinabatay sa international education ang mga pamantayan sa bansa dahil hindi ito solusyon upang mapataas ang kalidad ng edukasyon.
Samantala, isa pa sa mga pinaghahandaan ngayon ng grupo ay ang paparating na halalan sa susunod na taon kung saan sinabi nito na kinakailangang masiguro na napapanahon ang pag-release ng honoraria.