LEGAZPI CITY- Ikinalugod ng grupo ng mga guro ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Republic Act 11997 o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act.

Ayon kay Teachers Dignity Coalition Chairman Benjo Basas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na malaking bagay na an P10,000 kada taon na teaching allowance upang maibigay ang pangangailangan sa loob ng mga classroom.

Aminado ang opisyal na hindi pa sapat ang naturang halaga para sa lahat ng pangangailangan ng mga guro subalit makakabawas na umano ito sa pag-aabono ng mga ginagamit sa pagtuturo.

Itinuturing naman ng grupo na tagumpay ang pagkakapasa ng panukala bilang isang batas lalo pa at 13 taon umano itong ipinanawagan.

Samantala, sinabi ni Basas na matapos ang 15 araw na mai-publish ito sa Official Gazette ay tuluyan ng magkakabisa kaya kinakailangan na sa loob ng 60 araw ay makapagpalabas na ang Department of Education ng Implementing Rules and Regulations.

Matagal na aniya itong inaasahan na maipapasa kaya dapat na naihanda na ng tanggapan ang Implementing Rules and Regulations para sa mas madaling implementasyon.