LEGAZPI CITY – Nababahala ang grupo ng mga guro sa dumaraming adult contents sa social media na nakakaapekto sa mga kabataang Pilipino.

Kasunod ito ng naging anunsyo ng social media giant na X na papayagan na ang adult contents sa kanilang media platform.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ruby Anna Bernardo ang pangulo ng Alliance of Concerned Teachers-National Capital Region, maraming mga negatibong epekto sa kabataan ang maagang exposure sa mga ganitong contents na nakasisira sa mentalidad, pag-aaral at pakikisama sa kapwa.

Isa rin ito sa mga itinuturong dahilan ng pagdami ng mga kababaihang kabataan na maagang nagbubuntis.

Dahil dito, mahigpit ang panawagan ni Bernardo sa mga magulang na bantayan at maging istrikto sa pagpapagamit ng mga gadgets at social media sa kanilang mga anak.

Nanawagan din ang grupo sa Depatment of Education na isama na sa mga itinuturo sa paaralan ang media literacy at sex education upang magabayan sa tamang landas ang mga kabataan.