LEGAZPI CITY – Nababahala ang grupong Teacher’s Dignity Coalition sa nadiskobreng 19,000 na ghost students sa Senior High School Voucher Program ng gobyerno.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Benjo Basas ang Chairman ng Teacher’s Dignity Coalition, nakakalungkot na may ibang nakikinabang sa programa ng gobyerno na para sana sa mga estudyanteng pumapasok sa mga pribadong paaralan.
Ayon kay Basas, binuo ang programa upang maengganyo ang mas madaming estudyante na pumasok sa pribadong paaralan at mabawasan ang siksikan sa mga pampublikong sekondarya.
Subalit dahil sa nadiskobreng anomalya, maaring nasayang lamang umano ang ilang bahagi ng pondo ng gobyerno.
Panawagan ni Basas na maimbestigahan ng Kongreso ang isyu upang malaman at mapanagot ang mga sangkot sa anomalya.
Hiling din nito na huwag na munang ituloy ang planong pagpapalawak pa ng voucher program hanggat hindi nasosolusyonan ang isyu.