LEGAZPI CITY- Aminado ang grupo ng mga magsasaka na maraming local farmers pa rin ang hindi nakapag benta ng palay sa National Food Authority.
Paliwanag ni Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na noong inanunsyo ng tanggapan na itataas sa P23 hanggang P30 ang kada kilo ng buying price sa dry palay ay marami ng mga magsasaka ang nai-dispose ang kanilang mga produkto dahil mas maagang nakapag-ani.
Matatandaan na una ng sinabi ng tanggapan na nalagpasan na nila ang target palay procurement na 3.36 million bags sa unang anim na buwan ng taon.
Ito ay dahil umano sa mataas na presyo ng pagbili ng palay na sinamantala ng mga magsasaka.
Subalit sa kabila nito ay nababahala ang Bantay Bigas na posibleng na hindi na magpatuloy sa pagbili ng palay sa susunod na anihan dahil naabot na ang kanilang target para sa kasalukuyang taon.
Kaugnay nito, nanawagan ang grupo na mas taasan pa ang pondo ng ahensya para sa pagbili ng produkto ng mga lokal na magsasaka.