LEGAZPI CITY- Nakatakdang magsumite ng petisyon ang ilang grupo ng mga magsasaka sa Korte Suprema upang ipanawagan ang pagpapalabas ng temporary restraining order sa implementasyon ng Executive Order 62.
Paliwanag ni Federation of Free Farmers Chairman Leonardo Montemayor sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kinakailangang mapigilan ang implementasyon ng pagbabawas ng taripa sa imported na bigas.
Iginiit nito na malaking dagok sa mga lokal na magsasaka ang pagbabawas ng taripa sa imported rice mula sa 35% patungo sa 15%.
Batay sa kalkulasyon ng naturang grupo, tinatayang nasa P3 hanggang P4 kada kilo ng palay ang malulugi sa mga magsasaka.
Katumbas ito ng 12 million metric tons ng ani hanggang sa katapusan ng taon o 12 billion kilo ng palay.
Ayon kay Montemayor na tinatayang nasa P36 billion hanggang P48 billion ang malulugi sa mga magsasaka ngayong 2024 lamang dahil sa pagbabawas ng taripa sa imported na bigas.
Dagdag pa nito na wala ring kasiguraduhan na mapapababa ng naturang kautusan ang presyo ng bigas sa bansa dahil ang mga importers lamang ang makikinabang.