LEGAZPI CITY—Inihayag ng grupo ng kababaihan na patuloy ang kanilang paghahanda at pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang sektor na lalahok sa malawakang kilos-protesta sa Setyembre 21.


Matatandaang magsasagawa ng mga pagpoprotesta ang iba’t-ibang grupo sa buong bansa sa Setyembre 21 bilang pagkondena sa nangyayaring katiwalian sa gobyerno—na kung saan kasabay rin ito sa anibersaryo ng deklarasyon ng martial law ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.


Ayon kay Bicolana Gabriela Spokesperson Jen Nagrampa, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, inaasahang isa ang grupong Albay Movement Against Corruption sa mga lalahok sa nasabing aktibidad.


Naniniwala ang opisyal na hindi lang ito ang usapin sa mga pagdinig sa Kongreso at Senado ngunit dapat magkaroon din ng pananagutan upang makita ng mga public officials at pulitiko ang mga nangyayaring korapsyon sa bansa, kaya ayon sa kanya, dapat na makiisa ang lahat ng kabataan at iba pang sektor sa mga ganitong gawain.


Binigyang-diin ni Nagrampa na ang korapsyon ay isa sa mga salik na nagpapahirap sa pamumuhay ng mamamayan.


Dagdag pa ng opisyal, dapat alam ng taumbayan kung saan napupunta ang pondong inilaan sa mga tanggapan at opisyal ng gobyerno at dapat itong busisiin nang mabuti dahil buwis ito ng mamamayang Pilipino.


Samantala, nananawagan ang opisyal sa bawat Pilipino na makilahok sa aktibidad upang ipakita ang kanilang pakikiisa lalo na sa panawagan ng hustisya at agarang pagwawakas ng korapsyon sa Pilipinas.