LEGAZPI CITY – Nakatakdang kalampagin ng grupo ng mga health workers ang Department of Health(DOH) Central Office sa Martes, Oktubre 4.

Sinabi ni Private Health Workers Alliance of the Philippines spokesperson Jao Clumia sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ito ay upang muling ipanawagan ang mga benepisyong hindi pa naibibigay ng pamahalaan tulad na lamang ng ONE COVID Allowance.

Sinasabing nasa 40% pa lang ng mga nurses ang nakatanggap ng COVID allowance sa buwan ng Enero ngayong taon kaya masasabing malaki pa rin ang utang ng gobyerno sa kanilang hanay.

Hiling din ng mga health workers sa bansa na maitaas ang kanilang sahod sa lebel na nakakabuhay ng pamilya at mga benepisyong nakamandato na dapat ibigay ng pamahalaan.

Binigyang diin ni Clumia na kung babalewalain at pababayaan lamang ng health workers ang mga benepisyong para sa kanila na hanggang ngayon ay hindi pa naibibigay ay baka mapunta lang sa korapsyon.

Kung kaya’t muling maninindigan ang grupo bukas upang ipanawagan ang mga benepisyong nararapat nang matanggap ng mga health workers.