LEGAZPI CITY – Kinontra ng grupo ng mga mag-aaral ang panukalang muling pagbuhay ng mandatory military training sa mga college students.
Ito matapos maipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang House Bill 6687 o National Citizens Service Training Program Act na nagmamandato ng military training sa mga estudyante.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay National Union of Students of the Philippines National President Jandeil Roperos, sinabi nito na marami pang isyu at pangangailangan sa loob ng mga paaralam na dapat unang tutukan imbes na ang naturang mandatory military training.
Iginiit ni Roperos na nangangailangan ngayon na maraming pondo ang education system sa bansa upang mas maraming mga kabataan ang makapag-aral. Dagdag pa nito na hindi nagkaroon ng konsultasyon sa mga mag-aaral lalo pa at patuloy ang kontrobersyal na harassment at paglabag sa ilalim ng implementasyon ng kan Reserve Officer’s Training Corps (ROTC) program.
Tila nawawalan aniya ng karapatan sa academic freedom ang mga estudyante. Dagdag pa ni Roperos na imbes na magbigay atensyon sa military training ay palawigin na lamang ang pagbibigay ng scholarship at aid programs sa mga estudyante upang mabawasan ang pasanin sa gita ng tumataas na inflation, kawalan ng trabaho at COVID-19 pandemic.