LEGAZPI CITY – Extended ng isa pang linggo hanggang Oktubre 28 ang ipinatupad na granular lockdown sa higit 40 barangay sa bayan ng Guinobatan, Albay.
Magtatapos na sana nitong Oktubre 21 ang nasabing lockdown na pinasimulan noong Oktubre 13 subalit pinalawig pa dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases.
Mula sa 41 barangay na una nang isinailalim sa lockdown, nadagdagan ng isa pa matapos na makapagtala rin ng mga nagpositibo sa Batbat.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Gemma Ongjoco, kahit pa nasa granular lockdown pinapayagan naman ang access sa essential services at bukas rin ang mga establisyemento de negosyo maliban na lamang sa mga “ukay-ukay”.
Ayon sa alkalde, hindi umano nasasaway ang mga mamimili sa naturang negosyo at bigo ring mapasunod sa social distancing at pagsusuot ng face mask at face shield.
Tinitiketan rin ang mga violators na may katapat na multa subalit naniniwala si Ongjoco na pinakaepektibong paraan pa rin ang disiplina sa pag-iwas sa COVID-19.