LEGAZPI CITY – Hindi solusyon sa mataas na kaso ng malnutrisyon sa Pilipinas ang bagong uri ng bigas na kung tawagin ay Golden Rice.
Ito ang binigyang diin ni Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi dahil ang mahalagang dapat tutukan ng pamahalaan ay ang sektor ng agrikultura.
Sinasabing mabisang gamitin ang Golden Rice sa pagtatanim dahil mayroon itong beta carotene na nagiging vitamin A sa katawan.
Subalit sa bansang kabilang sa third world country tulad ng Pilipinas, hindi masosolusyunan ang malnutrisyon kung hindi prayoridad ang agrikultura.
Ayon kay Estavillo, hindi pwedeng isang solusyon lang ang tutukan ng pamahalaan kundi ang layuning maresolba ang pinakaugat ng problema.
Kung siya aniya ang tatanungin, dapat na tutukan at bigyang-pansin ng gobyerno ang nababalewalang sektor ng agrikultura dahil isa ito sa may pinakamahalagang gampanin sa paglago ng ekonomiya.
Matatandaang aprubado na ng Department of Agriculture -Bureau of Plant Industry (DA-BPI) ang nasabing Golden Rice.