LEGAZPI CITY – Naabot ng isang atleta ang pagnanais na makapag-uwi ng back-to-back win para sa javelin throw secondary boys sa Palarong Bicol 2017.
Kaugnay nito, malaki ang pasasalamat ni Larryson Amparo na muling maibulsa ang gold medal para sa javelin throw para sa Camarines Norte sa kabila ng pressure sa kanya dahil siya rin ang naging pambato ng Bicol region sa Palarong Pambansa noong nakaraang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa head coach ng athletic secondary boys division na si Jet Andrew Tolin, nakita umano nito ang paghahanda ng lahat ng atleta ngayon dahil sa magandang records at pagiging competitive ng mga ito.
Subalit naging kalamangan umano ni Amparo ang karanasan nito sa kabila ng pag-eensayo sa maputik na lugar dahil na rin sa masungit na panahon sa lalawigan.
Dagdag pa ni Tolin na sa tatlong taon na pag-train niya kay Amparo, napahanga siya nito dahil sa taglay na dedikasyon at passion sa laro, maging ang pagsasabuhay nito sa mga itinuturo sa kanya.
Samantala, siniguro rin ni Tolin na magpapatuloy ang kanilang puspusang pag-eensayo upang maiuwi rin ang gintong medalya sa Palarong Pambansa dahil ito na rin ang huling taon ni Amparo sa paglalaro.
Pinag-iisipan rin ngayon na ipadala ito sa Maynila at target na makapaglaro sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) o University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at magkaroon ng scholarship at maipagpatuloy ang napiling karera.