LEGAZPI CITY- Nasawi ang isang 48-anyos na Ginang sa Virac, Catanduanes matapos umaanong makuryente sa biniling radyo sa online shop.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Major Emsol Icawat, hepe ng Virac Municipal Police, kinilala ang biktima na si Jenny Quintal, residente ng Barangay Valencia sa naturang bayan.
Ayon sa opisyal, hindi agad naireport sa kanilang himpilan ang pangyayari kaya’t hindi agad nakapagsagawa ng imbestigasyon.
Ngunit ayon sa asawa ng biktima na si Rico Quintal, magpapatulog sana ng apo ang nanay kaya’t kinuha ang radyo, subalit sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang umano itong nangisay.
Naniniwala umano ito na nakuryente ang kaniyang asawa mula sa binili nitong radyo dahil nung tangkang sagipin ito at hawakan ay malakas umanong kuryente ang kaniyang naramdaman at agad na sinara ang breaker ng bahay.
Sinubukan pa sanang dalhin sa ospital ang biktima ngunit binawian din ito ng buhay.
Samantala siniguro naman ng Virac PNP na tutulungan ang pamilya nito na mailapit sa DTI Catanduanes kung desidido na magsampa ng reklamo sa online seller.
Nagpaalala naman ang opisyal sa publiko na kilatisin ng maigi ang mga produkto na nabibili online at huwag tangkilikin ang mga substandard na mga gamit o produkto