LEGAZPI CITY – Kumpiyansa si Atty. Alfredo “Pido” Garbin Jr. na papabor sa kanya ang magiging resulta ng isasagawang recount ng Commision on Elections (COMELEC) sa mga balota na ginamit sa botohan sa pagka-alkalde sa lungsod ng Legazpi.

Noong May 9 elections ng matalo si Garbin sa mayoralty race kay Legazpi City Mayor Carmen Geraldine “Gie” Rosal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Garbin, hindi nito maiwasan ang mga pagdududa sa resulta ng eleksyon lalo pa’t nasa 550 lamang ang lamang sa kanya ng nanalong si Rosal.

Lubhang mababa umano ito kumpara sa nasa 7,000 rejected ballots na hindi na nakasama pa sa bilangan.

Sa kabila nito, nangako naman si Garbin na ire-respeto anuman ang magiging resulta ng nasabing recount dahil nais lamang malinawan ang mga pagdududa.

Nabatid na sa susunod na Linggo na magsasagawa ang COMELEC first division ng inventory at sealing ng 42 ballot boxes na ipapadala sa Manila para sa recount.