LEGAZPI CITY – Muling nakapagtala ng isang panibagong nagpositibo sa coronavirus disease ang Bicol.
Kaugnay nito, umakyat na rin sa 35 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa sakit sa rehiyon.
Isang frontliner si Bicol #35, 40-anyos na lalaki mula sa lungsod ng Legazpi.
Galing ito sa Maynila at dumating sa Albay noong Marso 20 habang nag-umpisang makitaan ng sintomas nitong Abril 18.
Nitong Abril 22 naman nang magpakonsulta ito sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital kung saan nakumpirmang positibo ito sa sakit.
Sa kabilang dako, umakyat naman sa 21 ang kabuuang bilang ng mga naka-recover sa rehiyon matapos na magnegatibo na sa test si Bicol #20 at ngayo’y nakalabas na ng pagamutan.
Samantala, kabilang pa rin ang Albay sa mga lugar na mananatiling nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine hanggang sa Mayo 15.