LEGAZPI CITY – Galit at pagkaalarma ang naramdaman ng grupo ng mga mangingisda matapos maiulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na gumagamit umano ang mga mangingisda ng China ng cyanide sa Bajo de Masinloc.

Sinabi ng ahensya na sinasadya umanong sirain ng mga mangisngisda ng China ang traditional fishing grounds ng mga Filipino fisherfolks upang hindi na makapanghuli ng isda sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) President Pando Hicap, pamiminsala na ng mga corals ang ginagawa ng China sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Posible aniya na kagagawan din ng China ang mga naunang napabalitang pagkawasak ng mga corals sa loob ng kan exclusive economic zone ng bansa.

Dulot nito, binigyang diin ni Hicap na dapat magkaroon na ng aksyon ang pamahalaan at hindi na lang pagkondena ang gawin.

Aniya, dapat na magkaron na ng pag-aresto dahil paninira na ang ginagawa ng foreign fisherfolks lalo pa’t mahigpit na ipinagbabawal sa Pilipinas ang paggamit ng cyanide bilang paraan ng pangingista.

Ayon kay Hicap, napakalaking ambag ng pagkasira ng mga corals sa pagkaunti ng mga isda sa karagatan dahil wala ng tirahan upang makapagparami.