LEGAZPI CITY- (Update) Pinaigting pa ng pulisya ang pagbabantay sa danger zones matapos na makalusot sa ikatlong pagkakataon ang dalawang US citizens at dalawang Pinoy na naglaro pa sa golf course na malapit sa paanan ng Bulkang Mayon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PS/Insp. Genevieve Oserin, hepe ng Sto. Domingo Municipal Police Station, in close coordination na umano ang himpilan sa Legazpi City Police matapos na mabatid na dumaan ang mga ito sa Brgy. Padang ng lungsod patungo sa golf course sa may Brgy. Lidong ng Sto. Domingo.

Aminado naman ang PNP na hirap sa pagbabantay kahit nag-establish na ng mga chokepoints dahil sa maraming daanan patungo sa danger zones ngunit hindi naman umano nagkulang information dissemination.

Una nang nasita ng mga otoridad ang isang foreigner sa pagkuha ng larawan sa restricted area na sinundan ng dalawang foreign scientists na nagpalipad naman ng drones sa danger zones sa pagkuha ng Mayon-related data.

Samantala, nangako naman ang opisyal ng kaukulang aksyon sa pangyayari kung saan pinag-aaralan na umano ang magiging pananagutan ng mga ito sa batas ngunit tumanggi na munang talakayin ang posibleng kasong isasampa.