LEGAZPI CITY – Nasayang lamang ang isang float na panlaban sana sa Magayon Float Competition matapos na makasabit sa linya ng kuryente at masunog sa Barangay Taysan, Legazpi City.
Ayon kay SFO3 Madonna Rempillo ang Chief ng Intelligence and Investigation Unit ng Legazpi Fire Station, bumabiyahe na ang float na may desinyong dragon at panlaban ng bayan ng Manito ng makasabit ito sa linya ng kuryente.
Nagkaroon ng spark na siyang naging mitsa ng pagkasunog ng float.
Sinubukan pa sana ng mga residente na apulahin ang apoy sa pamamagitan ng pagtapon ng tubig mula sa mga balde, subalit gawa sa light materials ang float kung kaya mabilis itong naabo sa loob lamang ng 10 minuto.
Hindi naman nasaktan ang driver at sakay ng truck na agad na nakababa mula sa sasakyan.
Sa ngayon natanggal na ang nasunog na float mula sa kalsada at balik na sa normal ng biyahe sa lugar.