LEGAZPI CITY – Inaprubahan na ng Sangguniang Panglungsod ng Legazpi sa unang pagbasa ang ordinansa na magkaroon ng roadside tree safety preservation at batas na magsagawa ng regular na tree risk assessment.
Ayon kay Councilor Charlton Lajara sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ito ang nakita niyang solusyon matapos ang aksidente sa Barangay Padang kung saan nabagsakan ng puno ang isang public utility van.
Sa ilalim ng ordinansa, matutukoy kung alin sa mga punong nakatayo sa mga kalsada ang malusog pa at mga namemeligro na para maiwasan ang malubhang pinsala sa mga motorista at pasahero.
Magkakaroon din ng tree risk assessment team na binubuo ng mga tree specialist, mga kinatawan ng City Engineer’s Office at Department of Environment and Natural Resources.
Sinabi ng opisyal na ang lahat ng mga puno na nakatayo sa loob ng 5 metro ng sidewalk ay sasailalim sa assessment kahit nakapasok pa ang mga ito sa mga private property.
Isasailalim din sa public hearing ang mga heritage tree o punong mahigit 50 taong gulang upang matukoy kung puputulin ang mga ito o hindi.
Ipapataw din ang mga parusa sa mga may-ari ng mga pribadong ari-arian na tumanggi na isa-ilalim ang kanilang mga puno sa loob ng 5 metro mula sa sidewalk sa assessment.
Umaasa si Lajara na maaaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang tree risk assessment ordinance at ipatutupad sa Legazpi City.