LEGAZPI CITY- Pumalo pa sa siyam ang mga kaso ng mga naitalang fire cracker related injures sa rehiyong Bicol ilang araw bago ang papalapit na pagsalubong ng bagong taon.

Ayon kay Department of Health Bicol Center for Health Development Regional Program Manager, Violence and Injury Prevention Program Julie Ann Granadino sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang naturang bilang ang naitala simula noong Disyembre 21 hanggang Disyembre 28.

Sa naturang bilang, lima ang mga kaso ng nasugatan dahil sa improvised boga, tatlo ang dahil sa five star at isa ang dahil sa wistle bomb.

Ito ay pawang ipinagbabawal at itinuturing na iligal na paputok.

Karaniwan sa mga biktima ay nasa age group na 7-anyos hanggang 12-anyos.

Ayon kay Granadino na isa sa mga biktima ng paputok at 10-anyos mula sa Legazpi City na sumailalim sa multiple amputation at halos maubos ang daliri sa kaliwang kamay matapos gumamit ng boga.

Kaugnay nito ay nanawagan ang opisyal sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak upang magabayan ang mga ito at maiwasan ang paggamit ng paputok.

Samantala, pinangangambahan naman na sa Disyembre 30 hanggang Disyembre 31 ang peak ng mga fire cracker related injuries kaya mahigpit ang babala ng opisyal sa publiko na iwasan ang pagpapaputok.