LEGAZPI CITY – Halos hindi na makatulog ang Filipino Community sa Turkey kasunod ng pagtama ng magnitude 6.2 na lindol.
Ayon kay Bombo International News Correspondent in Turkey Jayne Marfil Surer sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na hindi na sila makatulog dahil sa takot na magkaroon pa ulit ng malakas na pagyanig base na rin umano ibinalita ng isang turkish news outlet.
Aniya, halos dinuduyan sila sa lakas ng pagyanig partikular na sa kanilang lugar na halos 80 kilometres lang distansya sa mismong epicenter.
Hindi na rin nila matandaan kung anong eksaktong oras nangyari an paglindol dahil na rin sa pagpanic ng lahat ng tao.
Sinabi pa nito na may mga nasugatan rin sa nasabing pagyanig na sanhi ng pagsitalonan ng ilang residente sa balkonahe ng kanilang mga apartment.
Nakita rin umano nila na biglang tumaas ang alon sa isang dagat kaya’t isa rin sa ikinakabahala nila ay ang pagkakaroon ng tsunami.
Sa kagandahan umano ay nagkataon na walang klase dahil sa isang holiday turkey ng mangyari ang pagyanig.
Sa kabila nito ay siniguro ni Surer sa kaniyang pamilya sa Pilipinas na nasa mabuti silang kalagayan at walang nangyaring masama sa kanila.