LEGAZPI CITY – Pagpapalakas ng ekonomiya ng Pilipinas ang hiling ng Filipino community sa Singapore sa isasagawang pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Setyembre 6 hanggang 7.
Ayon kay Bombo News International Correspondent Luz Mesenas, sinabi nito na hangad ng OFWs na mapa-angat ang ekonomiya ng bansa ng administrasyong Marcos para sa kapakanan ng mga Pilipino.
Dahil kasi sa kawalan ng oportunidad sa Pilipinas marami ang nagtatrabaho sa ibayong dagat at isinakripisyo na hindi makasama ang pamilya sa mahabang panahon.
Panawagan ni Mesenas sa mga opisyal ng bansa na magkaisa at sikaping mapa-angat ang ekonomiya upang wala ng Pilipino na makipagsapalaran sa ibang bansa.
Samantala, nakahanda na ang Filipino community sa Singapore para sa pagbisita ni Pangulong Marcos at sa katunayan fully booked na ang venue kung saan isasagawa ang pag-uusap kasama ang hepe ehekutibo.
Tinatayang aabot sa 5,000 hanggang 6,000 ang capacity ng venue sa isang auditorium sa Singapore.