LEGAZPI CITY – Ibinida ng Embahada ng Pilipinas sa London ang “world class talent” ng mga Pilipino saanmang panig ng mundo.

Patunay lamang umano rito ang pagkakapili sa Filipino-British singer at actress na si Christine Allado na may lead role sa isang malaking musical show na isasagawa sa West End theatre, London.

Sa ipinadalang impormasyon ni Stacy Danika Garcia, Vice Consul ng Philippine Embassy in London sa Bombo Radyo Legazpi, mismong si Ambassador Antonio Lagdameo aniya ang nagpaabot ng papuri kay Allado.

Gaganap si Allado bilang Tzipporah na asawa ni Moses kasama ang co-star na si Luke Brady na gaganap naman bilang Moses sa musical na “Prince of Egypt” sa produksyon ni Director Scott Schwartz.

Nagpa-sample pa si Allado kasama ang buong team sa saliw ng kantang “When You Believe” kasabay ng isinagawang press launch ng show.

Kilala si Allado sa kapuri-puring pagganap nito bilang Peggy Schuyler at Maria Reynolds West End musical na “Hamilton: An American Musical” na nakatanggap ng magagandang reviews mula sa iba’t ibang publications sa Estados Unidos at United Kingdom.

Bukod pa rito, kasama rin si Allado sa award-winning production ng Olivier, In the Heights at 60th anniversary production ng West Side Story.