LEGAZPI CITY- Aminado ang isang Filipino American politician sa Estados Unidos na malaking tulong sa kaniyang pamamahala ang kinagisnan na Filipino heritage.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Daly City, California Mayor Juslyn Manalo, sinabi nito na isa sa mga nagtulak sa kaniya para tumakbo ay ang nakikitang injustice lalo na sa mga Pilipino.

Matatandaan na sa katatapos pa lamang na halalan sa Estados Unidos ay muli itong nahalal sa kaniyang ikatlong termino o ika-siyam na taon sa serbisyo.

Nabatid na sa nakalipas na mga taon na pamamahala nito ay nagkaroon na ng mga street names sa lungsod ng Daly na mula sa Tagalog terms upang maipakita ang kultura ng Pilipinas lalo pa ay itinuturing umano ang lugar bilang Pinoy capital ng America.

Samantala, kasunod ng katatapos pa lamang na US elections ay sinabi ni Manalo na naghahanda sila sa muling pag-upo sa pwesto ni President-elect Donald Trump.

Kabilang umano sa kaniyang babantayan ay ang women’s rights at human rights upang mas maisulong ang karapatan ng mga nasasakupan sa ilalim ng Trump administration.

Paliwanag ni Manalo na sa kasalukuyan ay marami ng immigrant communities ang nababahala sa pamahalaan imbes na makaramdam ng kanilang kaligtasan.