LEGAZPI CITY—Isang babaeng fetus ang natagpuan na nakalagay sa karton sa tulay sa Barangay Balza sa Malinao, Albay.
Ayon kay Malinao Municipal Police Station Women and Children Protection Desk Investigator Police Corporal Odessa Mae Malagueño, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa 20-25 linggo na ang fetus, batay sa doktor na nagsuri nito.
Aniya nakita ang fetus at ang inunan nito ng mga batang naglalaro sa lugar na kung saan natagpuan ito sa buhangin at nakalagay sa isang karton.
Agad namang iniulat ang insidente sa mga awtoridad sa nasabing barangay.
Ibinurol na ang fetus sa Balading Cemetery ng nasabing bayan. Aniya, posibleng nasa paligid lang ng lugar ang gumawa nito.
Dagdag pa ng opisyal, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga otoridad sa barangay upang matukoy kung sino ang mga posibleng magulang ng fetus.
Samantala, nagbabala ang opisyal sa publiko na maging responsable sa kanilang mga aksyon.
Binigyang-diin din nito na huwag munang masangkot sa ano man na sekswal na aktibidad lalo na kung hindi pa handa sa responsibilidad ng pagiging isang magulang.