LEGAZPI CITY- Nananatiling missing ang ilang bahagi ng fencing ng monitoring instrument ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) matapos itong ninakaw ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Brgy. Padang, Legazpi City, Albay.
Kung babalikan, noong Setyembre 11 sa presenteng taon, nadiskobre ng mga personahes ng PHIVOLCS na nabawasan ang ilang bahagi ng kanilang fencing at agad naman itong inireport sa mga kapulisan.
Ayon kay Dr. Paul Alanis, resident volcanologist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Mayon Observatory sa naging panayam ng Bombo Radyo Legazpi na hanggang sa ngayon wala pa umanong update mula sa hepatura ng Legazpi City Police Station pero patuloy pa rin na gumugulong ang imbestigasyon ng mga kapulisan.
Aniya, sa ngayon ay operational pa rin ang nasabing ahensya at hindi naman apektado ang kanilang monitoring sa ano mang kalamidad.
Sinabi pa ng opisyal na may batas na sinusunod ang bansa ukol sa pagbabawal sa pagsira ng mga kagamitan kaugnay sa mga Disaster Risk Management at panawagan din nito na huwag gagalawin ang nasabing mga bagay dahil hindi naman anya ito para sa benepisyo ng ahensya kundi para ito sa ating mga kababayan.