LEGAZPI CITY- Nilinaw ng grupo ng magsasaka ang naging isyu sa pagbebenta ng National Food Authority ng buffer stock ng bigas.
Ayon kay Federation of Free Farmers National Manager Raul Montemayor sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na simula noong maipasa ang Rice Tarrification Law noong 2019 ay nalimitahan ang functions ng ahensya sa pag-manage ng reserba ng bigas at hindi na ito maaaring magbenta sa mga palengke at retailers.
Nakasaad umano sa batas na kung masisira na ang buffer stock ay maaari itong maibenta subalit ang naging problema lamang ay ang hindi pag-daan sa tamang bidding.
Hindi na rin aniya maaaring ibenta ang naturang bigas sa mga kadiwa markets lalo pa kung malapit na itong masira dahil siguradong aangal ang publiko na makakabili nito.
Aniya, patapos na ang unang anim na taon ng Rice Tarrification Law kaya dapat na sinisimulan na ang pag-evalute at pagbuo ng ammendment sa naturang batas upang mapag-aralan ang mandato ng National Food Authority.
Ikinababahala kasi ni Montemayor na magkaroon ng krisis sa panahon ng kalamidad lalo pa at wala na sa poder ng ahensya ang pag-aangkat ng bigas.