LEGAZPI CITY – Hindi pabor ang Pinagkaisang Samahan ng Transport Operator Nationwide (PISTON) sa dagdag singil sa pasahe ng ibang transport group dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa bansa.

Ito ay matapos ang linggohang pagpapatupad ng big time oil price hike ng mga kumpanya ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PISTON National President Mody Floranda, hindi solusyon sa problema ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa paghiling ng fare hike.

Dahil aniya, parang ipinapasa lang ang problema sa mga pasahero lalo pa’t lahat naman ay apektado ng nagpapatuloy na pandemya ng covid-19.

Kabilang na sa malaking epekto ng sunod-sunod na oil price hike ay ang pagtaasan rin ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Diin pa ni Floranda na dapat ay magpatupad ng price control sa petrolyo at bilihin ang pamahalaan dahil naayon naman ito sa batas ngayong may pandemya.

Matagal na rin na panawagan ng grupo ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law upang hindi na magkaroon pa ng oil cartel sa bansa.

Samantala, nagpahayag din ang ilang tranport group na magsasagwa sila ng petisyon sa LTFRB para sa dagdag pasahe dahil sa epekto ng linggohang pagtaas ng krudo.