Face-to-face classes are still suspended in several schools in Camalig, Albay due to the effects of ashfall caused by the ongoing activity of Mayon Volcano.

LEGAZPI CITY – Suspendido pa rin ang mga face to face classes sa ilang paaralan sa Camalig, Albay dahil sa epekto ng ashfall na dulot ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ni Mayor Caloy Baldo na karamihan sa mga paaralang suspendido ang face to face classes ay nasa loob ng extended danger zones, partikular na ang Cabangan Elementary School, Quirangay Elementary School at Tumpa Elementary School.

Napagdesisyunan nila ang suspensyon dahil sa peligro ng abo na mapanganib lalo na sa kalusugan ng mga estudyante matapos maitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) noong Pebrero 9 ang pinakamalayo at pinakamalaking Pyroclastic Density Current (PDC) o uson na umabot sa humigit kumulang 4KM pababa sa Mi-isi Gully simula nang tumaas ang Bulkan sa alert level 3.

Umaasa rin siya na makakaranas ng pag-ulan ang kanilang bayan upang maalis ang mga abo na nakakapit sa matataas na puno upang makabalik na ang mga estudyante sa kanilang mga silid-aralan.

Ayon sa opisyal, 36 sa kanilang mga barangay ang naapektuhan ng pagbagsak ng pinakamalaking dami ng abo na katumbas ng 30,000 nilang residente kaya agad silang namahagi ng facemask para sa kanilang kaligtasan.

Tiniyak din niya na kaya pa rin ng kanilang gobyerno na pangasiwaan ang mga residenteng gusto nang lumikas galing sa mga extended danger zone kung sakaling hindi na nila makayanan ang epekto ng bulkan ngunit hindi sila maaaring magsagawa ng paglikas hangga’t walang utos mula sa National at Provincial Government.

Umaasa rin si Baldo na matatapos na ang pagsabog ng Bulkang Mayon dahil tumaas na sa P5.6 milyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa bayan ng Camalig.