LEGAZPI CITY – Target ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) na mailikas ang mga residente na nasa risk areas bago pa man sumapit ang alas-3:00 ng hapon.
Kaugnay ito ng abiso ng PAGASA na bago dumilim ang posibleng pagtama ng Bagyong Quinta sa kalupaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay APSEMO chief Dr. Cedric Daep, expanded evacuation ang isinasagawa ng mga disaster management teams.
Bukod kasi sa bagyo, kailangan rin na isaalang-alang ang health protocols sa COVID-19 pandemic.
Nasa 50% lamang ang kapasidad ng mga evacuation center kaya’t naghanap ng ibang facilities upang makumpleto ang proseso ng paglikas.
Ayon kay Daep, magkakamag-anak lamang ang inilalagay sa mga silid-aralan na ginagamit subalit maaari naman umanong umabot sa full capacity sa mga barangay na walang kaso ng nagpositibo sa COVID-19.
Batay sa hawak na tala ni Daep, nasa 958 katao o 257 pamilya ang nailikas mula sa mga bayan ng Malinao, Manito, Guinobatan at Camalig habang tuloy-tuloy pa ang evacuation sa iba pang lokal na pamhalaan sa lalawigan.
Abiso naman sa mga evacuees na magbitbit na muna ng makakain sa kanilang paglikas dahil isusunod na lamang ang relief goods para sa mga ito.