LEGAZPI CITY- Pinabubuwag ni dating Presidential Anti-Corruption Commissioner Greco Belgica ang Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Ito matapos na magkakasanga-sanga ang mga isyu na kinasasangkutan ngayon ng Philippine Offshore Gaming Operator sa bansa.
Paliwanag ni Belgica na ang PAGCOR ang nag-institutionalize ng sugal sa Pilipinas na pinagmulan ng iba pang mga iligal na aktibidad.
Dagdag pa nito na ang naturang tanggapan ang nagiging sentro ng problema dahil ito umano ang nagpapalabas ng lisensya sa mga Philippine Offshore Gaming Operator na nagiging banta na ngayon sa seguridad ng bansa.
Kaugnay nito ay hinamon rin ni Belgica ang Philippine Amusement and Gaming Corporation na pangalanan ang sinasabi nitong dating cabinet member na umanoy protektor at sangkot sa POGO operations upang maimbestigahan.
Samantala, iginiit rin ng opisyal na nababalot ng korapsyon ang mga operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator simula pa lamang sa pagpasok sa bansa hanggang sa mga nangyayaring iligal na pagpapalit ng pangalan ng ilang mga indibidwal.
Nanindigan ito na hindi lamang si suspended Mayor Alice Guo ang unang kaso ng pamemeke ng identity at dahil noon pa man ay may mga kapareho ng insidente.