LEGAZPI CITY – Sinariwa ng dating PNP Criminal Investigation and Detection Group chief sa Autonomous Region in Muslim Mindanao ang takbo ng mga pangyayari sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.
Kabilang si PLt. Col. Nilo Berdin Jr. na tubong Albay sa mga nanguna sa imbestigasyon sa malagim na sinapit ng 58 katao dahil sa Ampatuan massacre.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ikinagalak ni Berdin ang desisyon ni Quezon City Judge Jocelyn Solis-Reyes sa kasong higit isang dekada na ang itinakbo.
Subalit nakaramdam aniya ng pagkaawa sa ilang kasamang pulis lalo na sa police non-commissioned officers (PNCOs) na na-dismiss sa serbisyo at nakulong ng 10 taon dahil sa pagsunod sa utos ng senior officials na inakalang lehitimong operasyon.
Matapos ang pag-abswelto sa ilan, umaasa si Berdin na may oportunidad na naghihintay sa mga ito at makaka-move on sa nangyari.
Nobyembre 9 taong 2009 o halos dalawang linggo pa lamang nang maidestino ito sa lugar nang mangyari ang itinuturing na pinakamatinding election-related violence sa kasaysayan ng Pilipinas.
Walong buwan rin ito sa posisyon subalit nagtapos sa masaklap na dismissal bunsod ng serious neglect of duty matapos mawala ang mga bala na nasa custodial watch na itinuturing na importanteng ebidensya sa masaker.
Inilaban ni Berdin ang kaso kaya’t muling na-reinstate sa pagkapulis noong taong 2016.
Sa kabila nito, matapang na sinabi ni Berdin na bukas na humawak ng posisyon sa lalawigan ngunit mistulang hindi na kakayanin dahil isang buwan na lamang at magreretiro na ito sa serbisyo.