LEGAZPI CITY – Kinondena ng environmental group na Makakalikasan Nature Party Philippines ang nadiskubreng ipinatayong resort sa Chocolate hills ng Bohol na isang protected area.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Roy Cabonegro, Presidente ng Makakalikasan Nature Party Philippines sinabi nito na malinaw na nagkaroon ng kapabayaan ang lokal na pamahalaan at Department of Environment and Natural Resources kung kaya natapos at nabuksan pa sa publiko ang resort.
Dahil dito ay dapat aniyang mapanagot ang mga pabayang opisyal ng pamahalaan na hindi na pigilan ang naturang paglabag.
Bilang isang protected area na idineklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), hindi dapat pagtatayuan ng anumang pasilidad sa Chocolate Hills kahit pa nasa pribadong lote ito.
Kinuwestyon pa ni Cabonegro ang atrasadong aksyon ng mga tanggapan na nagpatupad lamang ng closure order ng mag-viral na sa social media ang isyu.
Hiling naman ng environmental group na agad na maipasara ang resort bago pa makasira sa sikat na tourist destination at maparusahan hindi lamang ang kumpanya kundi ang lahat ng nagpabaya sa kanilang mandato.