LEGAZPI CITY – Umalma ang grupong EcoWaste Coalition sa plano ng Commission on Elections (COMELEC) na sunugin ang halos 106, 000 depektibong balota.

Sa anunsyo ni Comelec Commissioner George Garcia nitong Lunes, kabuuang 105,853 ballots ang natukoy na nayupi, mali ang cut at kulay, at may unmatched timestamps.

Dapat umanong masira na ang mga ito upang hindi magamit sa pandaraya kapag mapunta sa maling kamay.

Ayon kay zero waste campaigner Jove Benosa sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mapanganib sa kalikasan ang naturang hakbang.

Paglabag din umano ito sa Ecological Solid Waste Management Act at Clean Air Act.

Paliwanag ni Benosa, maglilikha ng hindi nakikitang pollutants ang susunuging balota na nakakasira sa greenhouse gases.

Bukod pa umano ito sa nakakasulasok na amoy at abo.

Imbes na sunugin, suhestiyon nitong idaan na lamang sa shredding nang mai-recycle.

Magagamit pa umano sa iba pang mabubuting bagay kagaya ng ginagawa ng Bangko Sentral sa mga perang tinanggal sa sirkulasyon.