The Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) has noted that Mayon Volcano remains active as it continues to erupt for three months.

LEGAZPI CITY – Napansin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nananatiling aktibo ang Bulkang Mayon habang aabot na sa tatlong buwan ang pag-aalburuto nito.

Ayon kay Phivolcs Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, patuloy ang effusive eruption, minor strombolian activity, lava eruption, at lava fountaining ng bulkan.

Patuloy din ang paglawak ng lava flow mula sa crater patungo sa Mi-isi, Bonga, at Basud gullies pati na rin ang rockfall events, pyroclastic density currents, at ash emission events.

Tinitiyak din niya na hindi nakakaapekto sa aktibidad ng mga bulkan ang tumataas na heat index at iba pang weather phenomenon bagkus ay ang mga aktibong bulkan mismo ang nakakaapekto sa panahon na nararamdaman sa isang partikular na lugar.

Inihalimbawa ng opisyal ang nangyari noong pagsabog ng Mount Pinatubo noong 1991 na nagdulot ng pagbaba ng pandaigdigang temperatura dahil sa mataas na volume ng sulfur dioxide gas na humarang sa solar radiation.

Sa kabila ng umiinit na panahon, nagbabala rin si Bornas sa posibilidad ng lahar flow kung sakaling makaranas ng kahit kaunting pag-ulan ang lalawigan ng Albay.