LEGAZPI CITY- Mariing tinutulan ng isang election watchdog ang House Bill No. 10747 o an Act Setting the Term of Office of Barangay and Sangguniang Kabataan Officials to Six Years, na isinusulong ng ilang mga mambabatas.
Ayon kay Kontra Daya Convenor Professor Danilo Arao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na hindi katanggap-tanggap ang naturang panukala na pagpapalawig ng termino ng mga lokal na opisyal.
Duda ng opisyal na tila gusto ng mga nasa kapangyarihan na pahabain ang termino ng mga nasa barangay upang mas mapakinabangan lalo na sa pagsiguro ng boto sa susunod na mga halalan.
Ang mga nasa lokal na lebel umano ang kikilos para sa mas mataas na mga opisyal.
Nababahala naman ang grupo na kung maaaprubahan ang naturang panukala ay maaaring isunod na rin ang pagpapahaba ng termino ng mga nasa Mababang Kapulungan ng Kongreso at ng mga nasa Senado, gayundin ang posibleng pagpayag sa reelection ng pangulo.
Nanindigan si Arao na dapat na ma-expose na ngayon ang tunay na agenda ng naturang panukala bago pa man maabuso ang kapangyarihan ng mga nasa katungkulan.