LEGAZPI CITY- Naniniwala ang isang election watchdog na magandang polisiya na walang politiko ang magpapakita sa pagbibigay ng ayuda tulad na lamang ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program.

Ito ay kasunod ng pahayag ng Department of Social Welfare and Development na walang papel ang mga politiko sa pamamahagi ng naturang cash assistance.

Sa kabila nito, sinabi ni Kontra Daya Convenor Danilo Arao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na maraming paraan ang ilang mga personalidad upang mapakinabangan pa rin ang mga programa ng pamahalaan.

Inihalimbawa nito ang pagbibigay ng endorsement ng mga politiko o pangangailangan ng kanilang pirma upang makakuha ng ayuda ang isang indibidwal.

Dahil dito, naniniwala ang grupo na imbes na maglaan ng malaking halaga para sa pamamahagi ng ayuda ay makakatulong kung mas tutukan na lamang ang pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa at pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Paliwanag ni Arao na sa pamamagitan nito ay mas maraming Pilipino ang makikinabang.

Dagdag pa nito na ang mga ayuda mula sa pamahalaan ay tila benepisyo umano sa mga politiko at hindi sa mga benepisyaryo.