LEGAZPI CITY- Nagpahayag ng pagkabahala ang isang election watchdog sa umanoy mabilis na pirmahan ng kontrata sa pagitan ng Commission on Elections at Korean firm na MIRU.
Ayon kay Kotra Daya Spokesperson Maded Batara sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na marami pang katanungan ang mamamayan na hindi pa nasasagot, lalo na sa umanoy hindi magandang track record ng kumpanya.
Sinabi ng grupo na hindi naging maingat ang komisyon sa pag-apruba ng naturang kontrata.
Matatandaan kasi na lumabas ang mga akusasyon ng korapsyon sa MIRU gayundin ang sinasabing failure of election sa ilang mga bansa.
Kaugnay nito, nanawagan si Batara sa publiko na maging mapagmatyag sa halalan upang hindi mawala ang kredibilidad lalo na kung magkakaproblema ang makinang isu-supply ng naturang Korean firm.
Suhestyon pa ng grupo na mag-imbita ng mga eksperto na kayang magbusisi sa mga makina upang masigurong hindi ito papalya.