LEGAZPI CITY – Minarkahan ng bagsak na grado ng election watchdog na ‘Kontra Daya’ ang Commission on Elections (Comelec) dahil sa umano’y palpak na pamamahala ng 2022 elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kontra Daya convenor Danilo Arao, sinabi nito na mababa pa sa 5 ang ibibigay na grado dahil sa mga iregularidad at pag-malfunctioned ng mga vote counting machines.
Mas maiintindihan pa aniya ang sitwasyon kung hapon na ng halalan nangyari ang mga aberya sa VCMs, subalit may mga naitala na agad na malfunctioning VCMs sa pagsisimula pa lamang ng botohan.
Pagdiin ni Arao na indikasyon lamang ito na mayroong anomalya sa halalan.
Dahil dito, isang araw bago matapos ang 2022 national at local elections ay sinalubong ng protesta ng iba’t-ibang militanteng grupo ang tanggapan ng (Comelec) sa Intramuros Manila laban sa umano’y dayaan sa eleksyon.
Kabilang ang Kontra Daya sa mga nakiisa sa pagkondena ng umano’y iregularidad, kapabayaan at palpak na paghawak ng Comelec sa eleksyon.